KASALANG BAYAN 2012 , The Big Event!
Ni: Grace Rodriguez
Isang makulay na pagdiriwang ng araw ng mga puso ang isinagawa sa Bayan ng Calaca sa pagsasagawa ng taunang Kasalang Bayan noong ika-14 ng pebrero kasabay ng Valentine’s Day at bilang pagdiriwang ng Civil Registration Month ngayong buwan ng Pebrero.
Sa mga awiting romantiko na inihanda ng mga kawani ng lokal at nasyunal na tanggapan sa pamumuno ni Kon. Deovic Ontangco, naramdaman ng mga ikinasal at ibang pang sumaksi sa pagdiriwang ang mensahe ng okasyon ng araw na iyon na mas pinatingkad ng tema nitong “Finally, It’s You… the Big Event!”
Apatnapu’t walong (48) pares ang ikinasal ni Punumbayan Sofronio C. Ona, Jr., 17 sa nasabing pares ang nagpakasal sa ilalim ng Article 34. Ito ang mga mag-asawahan na nagsasama na nang higit sa limang taon at may mga anak na. Samantala, 31 pares naman ang mga ikinasal ng may lisensya.
Matapos ang pangunguna sa seremonya ng kasal, nagpaunlak ng mensahe ang punumbayan na tumayo ding ninong ng mga ikinasal kasunod ang pamamahagi ng regalo sa bawat ikinasal bilang pag-alaala sa mahalagang sandali ng kanilang buhay.
Naging panauhin sa okasyon ang Provincial Statistics Batangas Officer na si Gng. Charito A. Armonia.
Ang kasalang bayan ay pinangunahan ng Pambayang taga talang sibil o Civil Registrar’s Office sa pamumuno ni Gng. Maricris delos Reyes. Ito ang ikawalong kasalang bayang naisagawa sa panunungkulan ni Mayor Nas Ona at Vice Mayor Larry Atienza.
![]() |
![]() |
![]() |
| < Prev | Next > |
|---|
Last Updated (Monday, 20 February 2012 20:04)





