Estudyanteng Calaqueño, World Class ang Galing
Ni: Lorena Casanova
Sa ginanap na 6th Philippine Sudoku Super Challenge National Finals na isinagawa sa SM City North Edsa, Quezon City noong ika-28 ng Enero taong kasalukuyan, isang mag-aaral na Calaqueño ang nagbigay ng karangalan sa bayan ng Calaca. Nagkamit ng 1st Runner Up si Melvin T. Baldrias, IV-SSC ng Dacanlao Gregorio Agoncillo National High School, isang pampublikong paaralan sa nasabing bayan.
Sa mahigit na anim na libong participants mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, dalawang daa’t labing anim ang kwalipikadong nakapasok sa National Finals at isa nga dito si Baldrias. Bukod sa karangalan, nag-uwi si Melvin ng halagang tatlumpung libong piso at trophy bilang premyo. Ang Mathematics Trainers’ Guild at Philippine Star ang naging sponsor sa competition. Sa darating Pebrero hanggang Mayo 2012 tatlo sa mga nanalong participants sa national competition ang nakatakdang lumipad patungong Singapore, Thailand, Beijing China at Croatia sa Europa para sa International at world Competition. Kabilang dito si Baldrias kasama ang kanyang head-coach na si Mrs. Elizabeth Tolentino at School principal na si Mrs. Cristina Perez.
Laking pasasalamat naman nina Mrs. Perez at Mrs. Tolentino sa pamahalaang Bayan ng Calaca sa pamumuno ni Mayor Nas Ona at vice Mayor Larry Atienza dahil sa suportang ipinagkakaloob sa DepEd . Gayundin sa Municipal Information Office kung saan nagmula ang materials na ginamit para sa entry na naging daan upang makamit ang tagumpay sa naturang kumpetisyon.
| < Prev | Next > |
|---|


