EDITORYAL: SERBISYO CALAQUEÑO, ORGANISADO
Kalimitang nasusubok ang tunay na diwa ng bayanihan sa mga pagkakataong tulad ng mga sakuna, kung saan umuusbong ang likas na pagkamakabayan at pagkamatulungin ng bawat isang Pilipino. Napatunayan na ito sa mga nagdaang mga trahedyang naranasan ng Pilipinas tulad ng malakas na lindol sa Baguio; pagputok ng Mt. Pinatubo; landslide sa Leyte; mga bagyong Rosing at Ondoy; at kung anu-ano pang mga delubyong kalikasan. Ngunit dito sa atin sa Calaca, pinatunayan ng bawat isang Calaqueño na ang bayanihan ay puwede nating isagawa ano mang oras, ano mang lugar, at sino man ang nangangailangan.
Ang proyektong “Serbisyo Calaqueño Organisado o SCO ng ating pamahalaang bayan ay nagpipinta ng tunay na kulay ng pagtutulungan ng sambayanang Calaqueno upang maipatupad ang mga ninanais na proyekto. Sama-sama at kapit-bisig na nagbuhat ng bakal, semento, graba, at buhangin; humawak ng pala, bareta at balde; at nagpatulo ng pawis mula sa mga namumuno ng bayan, kawani ng pamhalaang bayan, hanggang sa mamamayan ng barangay. Larawang sumasalamin sa tunay na diwa ng bayanihan.
Ang proyektong ito ay magbibigay sa bawat isang Calaqueño ng ilang mahahalagang benepisyo. Una, magsisilbing halimbawa ito sa mga kabataan ng barangay, na ang mga namumuno at pamayanan ay nagkakaisa upang paunlarin ang kanilang barangay sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagkakaisa. Ikalawa, makikintal sa isipan ng pamayanan ang pagmamahal sa mga kagamitan ng pamahalaan at ang pag-iingat sa mga proyektong kasama silang pinagsikapang gawin. Ikatlo, higit na yayabong ang pagkakaisa at pagmamahalan sa buong pamayanan na aani ng kapayapaan sa barangay. At ikaapat, higit na makakatipid ang pamahalaan sa mga proyektong gagawin at mailalaan ito sa iba pang mga proyektong pangkaunlaran.
Hindi maisasakatuparan ang lahat ng mga proyektong ito kung hindi dahil sa likas na ugaling mapagkawanggawa ng ating mga namumuno at mga mamamayang handang sumuporta sa bawat layuning pangkaunlaran ng pamahalaang bayan.
Minsan pang pinatunayan ng bawat isang calaqueno na una ang Calaca hindi lang sa pag-asenso kundi sa tunay na Serbisyo Calaqueño Organisado. Hangarin ng patnugutan na yumabong ang mga kahalintulad na proyektong ito hindi lang sa bayan ng Calaca, kundi sa lahat ng bayan sa Pilipinas.
| < Prev | Next > |
|---|
Last Updated (Monday, 01 August 2011 00:56)


