EDITORYAL: Pruweba, Hindi Propaganda
Panahon na naman ng eleksyon, marami na naman tayong kaibigan na gumagala sa mga bahay-bahay. Karamihan sa mga ito ay palakaway, palakamay at palaakbay. Lahat sila’y tila ba pinakamabuting tao na dapat ihalal at sa bawat pisil sa pagdampi ng kanilang mga kamay ay isang biyaya na dapat agad sunggaban. Sa mga tarhetang kanilang iniaabot kasama ang ilang pirasong kendi para sa mga botante ay pampalaway ay para bang nagsasabing kasing tamis nito ang serbisyong handang ibigay. Sa kanilang posters at campaign materials na sa mga pader, poste at punungkahoy ay nakasabit, nakasulat walang kamatayang slogan ng partido pulitikal o mga nakalulululang pang-uri na naglalarawan sa kanilang adhika. Katabi ng mga ito nakabalandra nilang matamis na ngiti at sa ibaba nakasulat ngalan ng kandidato na para bang nagsasabing iboto mo ako problema mo’y mapapawi handang lingapin ang pusong sawi.
Samantala, meron din naman
mapagsamantalang botante na sa mga kandidato walang ginawa kundi katasan.
Kapalit ng isang boto, gusto niya’y kailangan lahat ibigay subalit ang totoo
ganun din ang ginagawa humihingi ng pabor sa kabila. Ang iba sadyang boto ay
ibinebenta kapalit ng kinang ng pera o kaya’y pabor na sa damuhong kandidato ay
nakukuha kahit alam na liko ang gawain niya
at hindi man lang naisip na hindi siya lang kundi buong bayan o bansa ay
magdurusa. Kung pansariling hangad lang ang iisipin ng bawat isa, siguradong
hindi na matatapos paghihirap at kurapsyon sa bansa.
Ano ba itong sistema ng pulitika sa
ating bansa. Minsa’y nakakainis minsan din naman nakakatuwa, hindi na
maintindihan kung sino dapat iboto at kanino dapat magtiwala. Nakakalito makinig
sa kanilang mga plataporma dahil lahat ng kanilang sinasabi maganda at walang
maipupula. Lahat ay gagawin habang panahon ng kampanya subalit karamihan ay
hunyango na kapag sa posisyon ay nakupo na. Palalawigin ang koneksyon at sa
proteksyon ay magtatamasa. Ganito na bang talaga ang nais nating mangyari?
Kalimutan ang tama at magpakarahuyo sa buyo ng marami.
| < Prev | Next > |
|---|


